Patay ang isang 26-anyos na pintor matapos siyang saksakin ng kaniyang katrabaho na kaniya ring kainuman sa Quezon City.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Angelo Castillo.

Nakatakas naman at pinaghahanap ang suspek na kinilala lang sa Alyas Toto.

Sa kuha ng CCTV camera sa Barangay San Martin de Porres sa Cubao, Quezon City, makikita ang suspek na may hawak na patalim habang inaawat ng isang babae.

Hinila ng babae palayo ang suspek pero sumunod ang biktima hanggang sa magpang-abot na ang dalawa.

Sa isa pang kuha ng CCTV, nakita ang suspek na naglalakad at paalis na pinangyarihan ng gulo. Pero sumunod muli ang biktima kahit makikitang may bakas na ng dugo sa kaniyang damit.

Ngunit maya-maya lang, bumalik ang suspek at nagpang-abot muli ang dalawa.

Isinugod sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay dahil sa tinamong saksak at pagkaubos ng dugo.

Napag-alaman na bago ang krimen ay maayos na nag-iinuman ang dalawa pero nauwi sa pikunan.

Naghihinanakit ang mga kaanak ng biktima dahil maayos umano ang pakikitungo ni Castillo sa suspek at katrabahong si Toto.

Umaasa sila na mahuhuli si Toto upang mabigyan ng katarungan ang sinapit ni Castillo.--FRJ, GMA Integrated News