Usok umano mula sa mga sasakyan ang smog na namonitor sa Metro Manila at hindi mula sa volcanic fog o "vog" ng bulkang Taal na maliit lang ang magiging epekto sa rehiyon, ayon sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.
“It may be inferred that the smog may be primarily attributed to emissions from heavy vehicular traffic especially during rush hour,” pahayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa inilabas na Taal Volcano Air Quality Monitoring report nitong 8 a.m. ng Biyernes.
“Air quality varies in time and places and can change anytime depending on pollution sources and meteorological factors,” dagdag nito.
Sinabi naman ng Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR na posibleng nagkaroon ng “thermal inversion” na nangyayari kapag nasa ilalim ng malamig na hangin ang mainit na hangin.
Dahil dito, mistulang naiipit malapit sa lupa at hindi makataas ang polusyon sa hangin.
Ganito rin ang paliwanag ni PAGASA weather forecaster Rhea Torres sa panayam ng Super Radyo dzBB.
“So normally, or during normal occurences, mas mainit po talaga ‘yung temperatura ng surface as compared sa hangin. Pero ‘yun nga po, dito pumapasok ‘yung inversion part,” ani Torres.
“Nagkapalit po sila ng temperatura. Ang nangyari, ‘yung surface naman po ‘yung mas malamig compared sa hangin,” dagdag niya.
Sa hiwalay na panayam ng Super Radyo dzBB kay Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division head Mariton Bornas ng PHIVOLCS, na hindi lubusang maiuugnay sa 'vog" ng Taal ang smog na nasa Metro Manila.
“Ito pong nakakaapekto sa Metro Manila, hindi puwedeng isisi nang buo sa Taal Volcano dahil sa kasalukuyan po, meron po tayong tinatawag na thermal inversion ng atmosphere,” pahayag ng opisyal.
“Kaya hindi nakakaalsa maigi ang mga pollutants natin sa siyudad...This is mainly vehicular emissions,” giit ni Bornas.
Gayunman, hindi inaalis ng opisyal ang posibilidad na baka makaapekto ang vlog sa NCR hanggang sa Sabado dahil sa volcanic fog na dulot ng aktibidad ng bulkang Taal sa Batangas.
“Ngayon po ang panahon na medyo pabago bago ang ihip ng hangin dahil malapit na po pumasok ang hanging Amihan,” saad niya
Ayon sa EMB, “unhealthy” ang air quality sa Parañaque, Makati, at Pateros.
“We have observed ground level 24-hour particulate matter monitoring stations shown in Violet Box located in Parañaque with Air Quality Index of 217 (Acutely Unhealthy) which exceeded the Guideline Value of 35 [micrograms per normal cubic meter (ug/Ncm)],” pahayag ng EMB.
Batay sa Air Quality Health Guide, nasa ilalim ng violet category ang Parañaque na nangangahulugan na dapat iwasan ng mga tao ang lumabas lalo na ang mga may heart o respiratory disease.
Samanatala ang Makati at Pateros na “unhealthy” din ang air quality, sinabi ng EMB na, “Stations shown in orange boxes located in Makati and Pateros with Air Quality Index of 128 and 141 (Unhealthy) respectively which is above the guideline value of 35 ug/Ncm.” —FRJ, GMA Integrated News