Timbog sa Novaliches, Quezon City ang isang magkasintahan dahil sa pagbebenta umano ng droga sa mga tricycle, jeepney at taxi driver. Ang lalaking suspek, nahulihan din ng baril.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang mga suspek na sina Maria Nicole Repollo at Reymarc Calceta, na nadakip sa buy-bust operation sa Barangay San Agustin.
Dumarayo pa ang magkasintahan mula sa Bulacan para sa kanilang mga parokyano.
Nakuha sa kanila ang 15 gramo ng shabu umano na may halagang P102,000.
Hindi naman inasahan ng pulisya na may dalang baril si Calceta.
Lumabas sa imbestigasyon na dati nang nakulong si Repollo dahil din sa ilegal na droga.
Si Calceta naman, 13-anyos pa lang noon nang magkaroon ng homicide case, at ng motornapping noong 2016.
Umamin si Calceta na kaniya ang baril.
“Gawa ng kahirapan po. ‘Yun po ang pinakamadaling paraan po eh,” sabi ni Calceta.
Nahaharap ang magkasintahan sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, at may karagdagang reklamo si Calceta na paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to the Omnibus Election Code. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News