Sugatan ang isang lalaki matapos siyang barilin ng kaniyang tiyuhin na tinangka niyang tagain sa Lambunao, Iloilo. Ang biktima, muling nag-amok ngunit namatay kalaunan nang barilin din ng isa pang tao.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na iniulat din sa Unang Balita nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon na pinuntahan ng biktima ang kaniyang tiyuhin sa Barangay Bonbon saka nag-amok.

Tinangka umano ng biktima na tagain ang kaniyang tiyuhin gamit ang bolo, kaya dumepensa ang tiyuhin at binaril ang kaniyang pamangkin.

Nagtamo ng tama ng bala sa likod ang biktima, ngunit nakatakbo pa ito sa isang compound at muling nag-amok doon.

Matapos nito, isa pang tao ang bumaril sa kaniya.

Isinugod sa ospital ang lalaki ngunit idineklarang dead on arrival.

Sinabi ng pulisya na may problema sa pag-iisip ang lalaki at madalas manakit ng tao.

Walang plano ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso sa dalawang lalaking namaril. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News