Arestado ang isang pastor sa Caloocan City dahil sa umano'y panghahalay sa isang miyembro ng kanilang simbahan noong menor de edad pa ito, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes.

Inaresto si Pastor Michael Moreno sa kaniyang bahay sa bisa ng warrant of arrest para sa mga kasong acts of lasciviousness at rape.

Ayon sa District Special Operations Unit ng Manila Police District (DSOU-MPD) na siyang umaresto kay Moreno, 2019 nang mangyari ang umano'y panghahalay ng suspek sa noo'y 15 anyos na miyembro ng kaniyang simbahan.

"Noong una mga panghihipo lang, tapos meron daw na pagkakataon na nagigising na lang siya (biktima) na nakahubad siya," kuwento ni Police Major Edward Samonte ng DSOU-MPD.

Dagdag pa ni Samonte, sinabi raw ng biktima na parang may ipinaiinom sa kaniya para mawalan siya ng malay.

Itinanggi naman ni Moreno na hinalay niya ang biktima.

"Hindi ko po itinatanggi na may nangyari sa amin sapagkat sa tagal po ng pagkakilala namin nitong babae ay nagkaroon kami ng relasyon," ani Moreno.

Sinabi rin ng suspek na siya ang naging takbuhan ng biktima tuwing may problema ito kaya nahulog ang loob nila sa isa't isa. Hindi rin daw niya alam na menor de edad ang biktima.

"Nung nalaman ko (na menor de edad), huli na po kaya po ako lumayo. Ako po ay umiwas na," sabi ni Moreno.

Tingin daw ni Moreno, nagselos ang biktima sa dating kinakasama niya. Hindi rin daw siya nagtago at alam niyang gumugulong ang kaso at hinintay na lamang niya na maaresto siya. —KBK, GMA Integrated News