Sa kulungan ang bagsak ng isang Arab national matapos niyang piliting gumamit ng droga ang kaniyang kasintahan, at molestiyahin umano ang isang taong gulang na anak nito sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nadakip ang 49-anyos na si Husain Mohamed Hasan Ahmed Alhosani sa isang hotel sa Barangay Bungad, Huwebes ng gabi.

Ayon sa ina ng biktima, dumating sa bansa ang suspek upang magbakasyon ng dalawang buwan kaya sila nag-check in sa hotel.

Gagamit lamang ng banyo ang babae nang pilitin umano siya ng suspek na gumamit ng droga.

“Nakita ko po ‘yung anak ko hinihipuan niya,” sabi ng ina ng biktima. “Sobrang sakit. At least, maaga pa, nalaman ko na, kaysa naman tumagal pa.”

Nakuha mula sa Arab national ang nasa tatlong gramo ng shabu umano at mga drug paraphernalia.

Mahaharap ang suspek sa mga reklamong acts of lasciviousness, resistance and disobedience to a person in authority at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Itinurn over ang suspek sa tanggapan ng CIDU sa Camp Karingal, habang sasailalim ang mag-ina sa counseling. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News