Arestado ang isang lalaki matapos niyang tangayin ang sling bag ng isang tindera na naglalaman ng apat na cellphone at P4,700 na kita nito sa Maynila. Sa kasawiang palad, hindi na nabawi pa ang sling bag ng biktima.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles, manginig nginig pa ang biktimang si Mean Binaton habang isinasalaysay ang insidente madaling araw ng Martes.
Nakasabit noon ang kaniyang sling bag sa kaniyang tindahan sa bangketa sa kanto ng UN Avenue at Mabini.
Ayon sa biktima, nakikita na niya ang suspek na paikot-ikot sa lugar. Habang nag-aayos ng kaniyang mga paninda, nakita niya ang suspek na tinangay na pala ang kaniyang sling bag, na naglalaman ng mga cellphone.
Pinag-ipunan ng biktima noong lockdown ang apat na cellphone para makapag-online class ang mga anak.
Agad namang tumugon ang mga nagpapatrolyang pulis, na agad hinabol ang suspek na si Daniel Pumaren.
Gayunman, hindi na nila nabawi ang bag na tinangay nito mula sa biktima, at itinanggi rin ng suspek na siya ang nagnakaw.
Ngunit ayon sa pulisya, umamin naman sa kanila ang suspek, na pabalik-balik na sa bilangguan dahil sa pagnanakaw.
Nabilanggo na rin si Pumaren dahil sa droga.
Patuloy na inaalam kung mayroon siyang kasama at kung saan dinala ang bag. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News