Arestado ang isang lalaki sa bubong ng bahay na kaniya umanong pagnanakawan sa Novaliches, Quezon City. Ang suspek, nanaksak pa ng gunting sa isa sa mga rumespondeng pulis.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, makikita ang suspek na nasa bubong pa nang abutan ng mga pulis, mga taga-barangay at Bureau of Fire Protection sa Barangay San Bartolome.
Bago nito, nakatanggap ng tawag ang 911 National Emergency Hotline mula sa may-ari ng bahay.
Ilang beses nakiusap ang kapulisan mula sa suspek na sumuko nang maayos, ngunit ayaw nitong pumayag.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jerry Castillo, Novaliches Police Station Commander, unruly, nagsisisigaw at naghahamon ng patayan umano ang lalaki.
Kinausap nila ito na sumuko nang maayos, ngunit bigla nitong nilusob ang kapulisan at nasaksak ng isang patrolman.
Gusto pa ng suspek na manaksak ng isa pang pulis, kaya dito na tumugon ang mga awtoridad at binaril ang lalaki.
Dinala ang suspek sa ospital nang magtamo ng tama sa kaliwang balikat.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang kaniyang pagkakakilanlan, samantalang nabawi sa kaniya ang gunting na ipinangsaksak sa pulis.
Ito rin ang gunting na ginamit ng suspek para matungkab ang parte ng bubong ng bahay na kaniya umanong pagnanakawan.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng suspek na naka-confine sa ospital.
Mahaharap ang lalaki sa reklamong attempted robbery, alarm and scandal at direct assault. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News