Sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ng isang mag-asawa sa Taguig City na pugad umano ng online kalaswaan na parokyano ang mga dayuhan. Ang mga suspek, inilalako umano ang mga batang anak, at pati na buntis na kapitbahay.
Ayon sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Saksi"nitong Biyernes, nahuli ang mag-asawa sa isang operasyon na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos makakuha ng tip mula sa US Homeland Security.
“Mayroong iniimbestigahan [ang US Homeland Security] na mga US citizens na nagre-recieve ng child sexual exploitation materials. Nung na-under investigator nila, nakita nila na may mga facilitator na galing dito sa Pilipinas,” sabi ni NBI Violence Against Women and Children Division Chief Attorney Yehlen Agus.
Nasagip ang mga batang anak ng mga suspek na edad dalawa, tatlo, lima at siyam. Kasama rin sa nasagip ang dalawang menor de edad na anak ng kanilang kapitbahay na ibinubugaw din na nasa edad 15 at 16.
Buntis umano ang isa sa mga menor de edad.
Ayon kay Agus, nagsisimula ang usapan ng mga suspek at kanilang kliyente sa chat hanggang sa magkakaroon na ng live show. Kasunod nito ay iniimbitahan na umano ng mga suspek ang mga dayuhan na magpunta sa Pilipinas upang magsagawa ng personal na mga sekswal na aktibidad sa mga bata.
“Nagagawa ko lang po 'yon dahil sa hirap ng buhay, wala po kasing trabaho ang asawa ko,” sabi ng babaeng suspek.
Ayon kay Agus, wala at hindi talaga nagtatrabaho ang mag-asawa at mistulang ginawang negosyo ang online kalaswaan na ginagamit ang kanilang mga anak.
Mahaharap ang mag-asawa sa mga kasong Online Sexual Exploitation of Children, Child Sexual Exploitation Materials Act and Expanded Human Trafficking Act.
Mahaharap din sa kasong rape ang ama dahil ilang beses umano nitong hinalay ang anak na siyam na taong gulang.--Jiselle Casucian/FRJ, GMA Integrated News