Sasabak sa kauna-unahang pagkakataon ang team Germany sa FIBA World Cup final matapos nilang masilat ang team USA sa semifinals sa iskor na 113-111. Makakaharap ng Germany sa final ang koponan ng Serbia na pinataob naman ang Canada.
Sa ginanap na laro sa Mall of Asia Arena nitong Biyernes, kumuha ng lakas ang Germany sa third quarter nang sapawan nila sa puntos (35-24) ang United States, at makuha ang kalamangan, 94-84.
Naghabol naman ang team USA hanggang sa maibaba sa isang puntos ang kalamangan ng Germany, 108-107, habang may 1:35 ang nalalabi sa final period.
Pero pinalamig ni Andreas Obst ang init ng USA nang pumasok ang tres nito para dagdagan ang lamang ng Germany sa 111-107.
Nasundan pa ito ng jumper shot ni Dennis Schroder para lumobo sa anim ang lamang ng Germany. Sandaling nabuhayan ng pag-asa ang USA nang dumakdak si Austin Reaves para makahabol sa 113-109.
Pero kinapos na sa oras ang USA kahit naka-iskor pa ng isa si Reaves para sa final score na 113-111.
Unang pagkakataon ng Germany na sasabak sa FIBA World Cup finals, habang ikalawang sunod na pagkakataon naman ng team USA na wala sa finals.
Makakaharap ng Germany sa finals ang Serbia na pinaluhod ang team Canada sa iskor na 95-86.
Maagang umariba ang world no. 6 na Serbia na ipinoste ang kalamangan sa 52-39 sa first half. Pinalobo pa nila ang abante sa 17 puntos sa simula ng 4th quarter, 80-63, at hindi na pinaporma ang Canada.
Sumabak sa finals noong 2014 World Cup ang Serbia pero hindi sila umubra noon sa nakalabang team USA.
Maghaharap naman ngayon ang USA at Canada para sa third place.—FRJ, GMA Integrated News