Patay ang isang helper nang maipit siya sa tumirik nilang sasakyan na itutulak sana niya pero sinalpok naman ng isang truck sa Skyway Stage 3 sa Maynila.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita na tinutulungan ng traffic enforcer ang nasawing biktima na si Jeffrey Lambojon at ang kasama nitong driver ng utility van na nasiraan sa northbound lane ng Skyway Stage 3 sa Sta. Mesa, Manila noong Martes ng hapon.
Nakapuwesto na si Lambojon sa likod ng van para magtulak nang biglang dumating ang isang truck at sinalpok siya at ang nasirang sasakyan.
Tinamaan naman ng nabanggang van ang enforcer at ang isa pang lalaki na nasa unahan na parehong bahagyang tumilapon.
Isinugod si Lambajon sa ospital pero binawian din ng buhay.
Ayon kay Junie Libre, ang lalaking tumilapon din, hihilahin sana nila ang tumirik na van gamit ang motorsiklo ng traffic enforcer.
May nakalagay naman daw na warning device sa likod ng tumirik na van.
“Sinabihan po niya 'yung driver namin na dahan-dahan lang ha. Sakaling aandar na 'yung L3 mo huwag bibiglain ang preno para hindi rin daw siya matumba,” ayon kay Libre.
“Parang wala pong busina po. Kasi ang narinig na lang po namin 'yung preno na sobrang lakas,” dagdag niya.
Ayon kay Libre, maraming sugat na tinamo si Limbajon at may lumabas na dugo sa tainga at ilong nito.
“Kinakausap po namin pero hindi na po siya nagsasalita. Parang na-oo lang po nang oo. Sabi namin, ‘laban lang’,” dagdag niya.
Iniimbestigahan ng Philippine National Police Highway Patrol Unit National Capital Region (RHPU-NCR) ang insidente.
“Sabi niya, accordingly, galing siya ng curve. 'Pag bungad niya nandon nakaparada yung dalawang sasakyan. Hindi niya talaga napansin kaya direct hit yung pagkakatama nya,” ayon kay RHPU-NCR chief Police Colonel Joel Casupanan tungkol sa paliwanag umano ng driver ng truck na si Noel Abilay.
Mahaharap si Abilay sa mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide with multiple physical injuries and damage to properties.
Hindi pa naglalabas ng pajayag ang pamunuan ng Skyway pero pinaalalahanan ni Casupanan ang mga motista na sundin ang speed limit.
“Sa mga busy street, hanggat maaari huwag munang basta basta bababa. Tingnan natin yung incoming traffic bago bumaba kung di maiwasan na nasiraan,” anang opisyal.
Nananawagan naman ng tulong ang pamilya ng biktima para maiuwi sa probisyo ang mga labi nito. -- FRJ, GMA Integrated News