Arestado ang isang rider na nag-counterflow matapos mabuking ang dala-dala niyang droga umano sa Cubao, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Reither Jhon Reyes.
Ayon sa pulisya, nakita si Reyes na sakay ng motorsiklo at bigla na lamang nag-counterflow. Nang sitahin, nag-U-turn ang suspek sa halip na huminto.
Hinanapan ng lisensiya ang suspek, at pagkabunot niya sa kaniyang bulsa, dito na lumabas at nalaglag ang umano’y droga.
Wala ring driver’s license ang suspek kaya natiketan ng mga awtoridad.
Dati nang nadakip si Reyes nito lang Hulyo dahil sa kasong pagnanakaw ngunit nakapagpiyansa siya.
Gayunman, nahaharap siya sa mga panibagong reklamo, kabilang ang disobedience to an agent of a person in authority at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Samantala, arestado ang isang 55-anyos na lalaki sa Cubao pa rin matapos namang mandukot umano ng cellphone.
Naglalakad pababa ng footbridge ang biktima nang mangyari ang insidente.
Nagkataon namang may mga nagpapatrolyang pulis sa lugar na hiningian ng saklolo ng biktima.
Nabawi ang ninakaw na cellphone mula sa suspek na si Justin Vilarmino, na nahaharap sa reklamong theft. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News