Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Malabon, ayon sa ulat ni Jaime Santos sa Unang Balita nitong Huwebes.

Batay sa ulat, ang biktimang si Daniel Soria ay dating kalaro sa basketball ni Jemboy Baltazar, ang binatilyong napatay ng mga pulis sa Navotas noong Agosto matapos mapagkamalang suspek.

Ayon sa kaanak ni Soria, nagpaalam ito para makipag-inuman. Pero nang matapos daw ang inuman ay nagpaalam ito sa live-in partner niya na tutungo sa Malabon dahil may kakatagpuing babae.

"'Yung babae na 'yun, asawa ng kaalitan niya dati... may bantaan na sila nung asawa 'nung babae na iyon," sabi ni La Francisco, live-in partner ni Soria.

Kuwento ng kasama ni Soria, hindi pa sila nakakababa ng tricycle ay pinagbabaril na sila.

Nakunan ng CCTV ang pagtakbo ni Soria papalayo sa mga salarin. Sa isa pang video, kita na paika-ika siya matapos tamaan ng bala sa hita. Hindi nakunan ang aktuwal na pagbaril sa kaniya.

Tinangay pa raw umano ng mga suspek ang cellphone ni Soria at ginamit para i-text ang live-in partner niya.

Hustisya ang hiling ng pamilya ni Soria.

Samantala, hindi pa raw makapagbibigay ng pahayag ang Malabon City Police dahil patuloy pa ang imbestigasyon nito. —KBK, GMA Integrated News