Natuklasan ng mga awtoridad na mukha ng mga sikat na artista at influencer ang ginagamit na profile photo ng grupong nagsasagawa ng love scam na mga dayuhan ang binibiktima.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing ito ang natuklasan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nang suriin ang nasa 3,000 cellphones na nakumpiska sa isang cyberscam hub sa Pasay City na sinalakay noong Agosto.
Ginagamit umano ng sindikato ang mga larawan ng artista at influencer bilang profile photo sa mga ginawa nitong social media account upang makapang-engganyo ng mga dayuhan sa iba't ibang bansa.
“Some of them, influencers and endorsers, pinapalitan lang ang pangalan,” ayon kay Undersecretary Gilbert Cruz, hepe ng PAOCC.
“May folder sila eh ng activities ng mga artista, o kaya mga influencer’s, pag sinabi, ano ang ginagawa mo ngayon, ipapakita nag-gi-gym yung artista kahit hindi sila 'yon. ‘Pag sinabi naman, ano breakfast mo? Ano ulam mo? May folder sila ng mga pagkain. Pipili siya ro’n, tapos hanggang sa ma-inlove yung tao,” paliwanag ni Cruz.
Kapag nakuha na ang loob ng biktima, sinabi ni Cruz na hihingan na ito ng pera ng sindikato na kunwari ay aalukin ng negosyo.
“‘Pag naghulog ka na [ng pera], kinabukasan wala na yun kausap mo,” dagdag pa ni Cruz.
Ayon sa PAOCC, inaalam nila kung saan napupunta ang pera na nakukuha ng grupo sa mga biktima.
“Ang tanong, pagpasok ng pera saan napupunta? So the fruit of the crime must be pursued also, so importante sa amin ang digital forensic examination para malaman namin saan napunta ang pera,” paliwanag ni PAOCC spokesperson Winston Casio.
Pinaalalahan ng awtoridad ang publiko na maging maingat upang hindi rin mabiktima.
“Ang profile ng mga binibiktima nila is 35 above, ‘pag nakita nila medyo emotionally unstable, ang love life mo di maganda, papasukan ka nila. Dapat maingat tayo dun sa mga fine-friend natin online,” payo ni Cruz.—FRJ, GMA Integrated News