Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki na nakaalitan ang isang gasoline boy at sinilaban ang kaniyang sariling motorsiklo sa mismong gasolinahan sa Guangdong Province sa China.
Sa ulat ng GMA News Feed, makikita sa isang video na sinadya pa ng lalaki na itulak at ibangga sa petrol pump ang nagliliyab niyang motorsiklo.
Agad namang kinuha ng gasoline boy ang fire extinguisher ngunit inagaw ito ng lalaki, hanggang sa magpambuno ang dalawa sa gasolinahan.
Habang nangyayari ito, pilit na sinusubukan din ng empleyado ng gasolinahan na agapan ang sunog.
Ilang saglit pa, nawala sa frame ng video ang dalawang lalaki habang patuloy na lumalaki ang apoy.
Halos matakpan na ng usok ang camera nang makalapit ulit ang gasoline boy na kumuha ng mas malaking pamatay-sunog. Maya-maya, may isa pang lalaki ang tumulong sa gasoline boy.
Hindi na naaninag pa ang mga sumunod na eksena dahil sa pagkalat ng makapal na usok.
Ayon sa pamunuan ng gasoline station, nag-away ang suspek at gasoline boy dahil sa bayad.
Tinugunan ng mga pulis at bumbero ang sunog at masuwerteng hindi umabot ang apoy sa gas pumps.
Wala ring naitalang sugatan sa insidente.
Nadakip ang 32-anyos na suspek sa parehong araw na nangyari ang insidente.
Ayon sa pahayag ng suspek sa mga pulis, hindi na niya nakontrol ang kaniyang emosyon kaya niya nagawa ang krimen.
Nasa bilangguan na ang suspek, na nasampahan na ng kaukulang kaso. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News