Inaresto ang isang lalaking guro matapos niyang itanan at ilang beses umanong pagsamantalahan ang isang 11-anyos na estudyante na dinala niya sa isang motel sa Valenzuela City.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, mapapanood na hindi na makapagpigil ang ina ng biktima nang makaharap ang suspek na guro na si Kevin Ong.

Setyembre 3 umano nang hindi umuwi ang biktima matapos itong itinanan umano ng guro na nakuhanan sa CCTV camera sa lobby ng motel.

Nakuhanan din siya sa CCTV na kasama ang bata na dumiretso sa second floor.

Bukod dito, nakunan din ng video ang dalawa na dala-dala ang kanilang mga bag patungo sa kuwarto at tumagal sila doon ng mahigit 24 oras.

Sinabi ni Atty. Rommel Vallejo, Regional Director ng National Bureau of Investigation–National Capitol Region, na ibinalik lang ng suspek ang estudyante noong Lunes ng umaga.

Nadiskubre din ng NBI na simula noong Hunyo, tatlong beses kada linggo umano kung halayin ng guro ang menor de edad sa tuwing ipinapatawag niya ito sa kaniyang opisina sa loob ng eskuwelahan.

Pinaiinom din daw ng pills ng suspek ang biktima para hindi mabuntis.

“Nandoon ‘yung paghingi ko ng tawad, hindi naman mawawala ‘yun, andu’n ‘yung totoong nararamdaman ko na nagsisisi naman talaga ako,” sabi ng suspek.

Nasampahan na ng mga reklamong statutory rape, child abuse, at abduction of minor ang suspek na walang piyansa.

Inaalam din ng NBI kung may iba pang estudyanteng nabiktima ang suspek. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News