Pito lamang sa mga manlalaro ng Gilas Pilipinas na sumabak sa World Cup ang maiiwan para makipagtuos sa gaganaping Asian Games sa China. Lima ang bago nilang makakasama kabilang sina Justin Brownlee at Ange Kouame.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine Olympic Committee nitong Martes, sinabing maglalaro pa rin sa Asian Games sa Hangzhou, China sa September 23, sina Kiefer Ravena, Scottie Thompson, RR Pogoy, June Mar Fajardo, CJ Perez, Japeth Aguilar, at Jamie Malonzo, na pawang sumabak 2023 FIBA World Cup.
Dagdag na puwersa sa kanila ang mga naturalized player na si Brownlee at Kouame. Kasama rin sina Chris Newsome, Calvin Oftana, at Brandon Ganuelas-Rosser, na kabilang sa tropa ng Gilas na sumabak sa 2023 SEA Games sa Cambodia noong Mayo, at nakakuha ng gold medal ang Pilipinas.
Ayon kay POC president Abraham “Bambol” Tolentino, isinumite na ang lineup, kasama ang 39 pang mga atletang Pinoy na makikilahok sa Asian Games.
Ang mga Gilas player na sumabak sa FIBA na hindi kasama sa Asian Games dahil may kani-kanilang obligasyon sa kanilang mga team ay sina Dwight Ramos, AJ Edu, Rhenz Abando, Kai Sotto, at Jordan Clarkson.
Makakasagupa ng Gilas sa Group C ang mga koponan ng Bahrain (sa September 26), Thailand (sa September 28), at Jordan (sa September 30).
Defending champion sa basketball sa Asian Games ang China, ang tanging koponan na tinalo ng Gilas sa World Cup. —FRJ, GMA Integrated News