Natigil ang anim na buwan na sunod-sunod na pagbagal ng inflation rate makaraang sumirit muli ang presyo ng mga bilihin nitong nakaraang Agosto.
Sa a press briefing nitong Martes, sinabi ni Claire Dennis Mapa, National Statistician at pinuno ng Philippine Statistics Authority (PSA), na pumalo sa 5.3% ang naitalang inflation nitong Agosto.
Mas mabilis ito kumpara sa 4.7% rate noong Hulyo, pero mas mabagal naman kung ikukumpara sa 6.3% na naitala noong Agosto 2022.
Ang naturang 5.3% rate ng Agosto ay pasok pa rin naman sa projection range na 4.8% -5.6%. na naunang inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa kabila ng pagbilis ng inflation nitong Agosto, kompiyansa pa rin ang BSP na, “inflation is still projected to decelerate back to within the inflation target by the fourth quarter of 2023.”
Ayon kay Mapa, ang pangunahing dahilan ng mas mataas na inflation nitong Agosto ay dahil sa pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages.
“Ang nag-ambag nang malaki sa pagtaas ng inflation ng Food and Non-Alcoholic Beverages ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng mga Cereal and Cereal Products, partikular ang bigas; Vegetables, Tubers, Cooking Bananas at iba pa, gaya ng kamatis; at Fish and Other Seafood, tulad ng tilapia,” paliwanag ng opisyal.
Sa isang pahayag, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, na sumirit sa 8.7 % ang rice inflation rate nitong Agosto, kumpara sa 4.2% lang noong Hulyo.
“The expected reduction in rice production due to El Niño and the export ban recently imposed by major rice exporters such as India and Myanmar led to higher international rice prices. In addition, the alleged hoarding incidents, artificial shortage, and speculative business decisions of market players may have put further upward pressure on the domestic retail price of rice,” ani Balisacan.
Mabilis din ang pagtaas ng vegetable inflation na 31.9% mula sa 21.8% na dulot umano ng “production losses from the enhanced monsoon rains and Super Typhoon Egay.”
Tumaas din ang presyo ng mga Fish and Other Seafood sa 6.9% mula sa dating 4.5%.
Sa kabuuan ng food inflation, sinabing sumirit sa 8.2% ang inflation mula sa 6.3% noong Hulyo.
“Despite the ongoing challenges we encounter, such as severe weather conditions and trade limitations imposed by other nations, our objective remains to achieve an inflation rate between 2% and 4% by the year’s end,” sabi ni Balisacan. --FRJ, GMA Integrated News