Binawi na ng Philippine National Police (PNP) ang license to own and possess firearms (LTOPF) at permit to carry firearms outside of residence ng motoristang nahuli-cam na kinasahan ng baril ang nakasagian niyang siklista sa kalye noong August 8. Dahil dito, kailangan niyang isuko ang kaniyang mga baril.
“Immediately, nung nakarating ito po sa kaalaman ng ating chief PNP ay agad pong pinag-utos niya ang pag-revoke ng lisensya at permit to carry nitong nabanggit na tao na ito…kaya revoked na po ang kanyang LTOPF maging ang kanyang permit to carry outside [of residence],” ayon kay have already been revoked, PNP chief information officer Police Brigadier General Red Maranan sa panayam ng Dobol B TV nitong Lunes.
Ayon kay Maranan, kaagad na kumilos ang PNP Firearms and Explosive Office sa utos ni PNP chief Police General Benjamin Acorda.
Sinabi ni Maranan na batay sa tala ng PNP, mayroong tatlong baril na nakalagay sa pangalan ng driver na kinilalang si Wilfredo Gonzales, retiradong pulis.
“’Yung tatlong baril, as a matter of procedure, 'pag na-revoke ang iyong LTOPF ay susulatan ka para ang mga baril mo ay i-turn over mo sa Firearms and Explosive [office]. Pagka 'di mo sinurrender ‘yon ay kukunin namin ‘yon by way of search warrant,” paliwanag ni Maranan.
Idinagdag ng opisyal na kung hindi isusuko ng driver ang kaniyang mga baril, maaari siyang makasuhan ng illegal possession of firearms at arestuhin.
Nitong weekend, nag-viral sa social mesia ang video na makikita ang nangyaring insidente kina Gonzales at sa hindi pinangalanang siklista.
Sumuko sa mga awtoridad si Gonzales nitong Linggo ng hapon. Sinabi niyang nagkausap at nagkasundo na sila ng siklista.
Sa panayam nitong Lunes, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) chief Police Brigadier General Nicolas Torre III, na hindi pa lumalapit sa kanila ang siklista kung magsasampa ng reklamo laban sa driver.—FRJ, GMA Integrated News