Bigo rin ang Gilas Pilipinas kontra sa Angola sa iskor na 80-70 sa Group A ng FIBA Basketball World Cup na ginanap sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City. Samantala, ang Japan ang naging unang Asian team na nakapagtala ng panalo sa torneo matapos nilang paluhurin ang Finland sa Group E sa Okinawa Arena.
Sa laban ng Pilipinas at Angola nitong Linggo, pinangunahan ni Gerson Goncalves ang tropa ng mga dayuhan matapos pumuntos ng 17. Ang katropa niyang si Gerson Domingos, tumirada ng 15, kabilang ang tres na nagselyo sa kanilang unang panalo sa idinaraos na World Cup.
Hinabol ng Gilas ang 16 na puntos na kalamangan ng Angola at nagawang maidikit ang laban sa iskor na 73-68.
Mahigit isang minutong nalalabi sa laro, nagpakitang gilas sina Jordan Clarkson at AJ Edu na kumamada ng 11-0. Pero bumawi ng tres si Domingo ng Angola para palobohin sa walo ang kanilang lamang at tuluyang ibigay sa Pilipinas ang ikalawa nitong kabiguan.
Tanging si Clarkson ang naka-iskor ng double digits na 2 puntos, pitong assist at tatlong rebound. Mayroon namang siyam na puntos si AJ Edu at six rebound, habang nag-ambag si Kai Sotto ng walong puntos at six rebound.
Nangunguna na sa Group A ang Dominican Republic na 2-0, habang 1-1 naman Italy at Angola, at 0-2 ang Pilipinas makaraang matalo rin sa Dominicans.
Kailangang maipanalo ng Pilipinas ang laban nito sa Italy sa Martes, upang manatiling buhay ang pag-asa na umusad sa susunod na round, at depende rin sa magiging resulta ng laban ng ibang koponan.
Samantala, nagbunyi ang Japanese fans nang pataubin ng kanilang koponan ang Finland sa iskor na 98-88, sa bakbakan ng Group E na ginaganap sa Okinawa Arena sa Japan.
Dahil sa panalo ng Japan, sila ang unang Asian team na nakapagtala ng panalo sa 2023 FIBA World Cup.
Habang isinusulat ito, wala pang naitatalang panalo ang iba pang Asian teams na kinabibilangan ng China, Jordan, Iran, Lebanon, at Pilipinas.
Mayroon ngayong rekord na 1-1 ang Japan, kapantay ng Australia, habang 0-2 naman ang Finland.
Mahalaga ang magiging resulta sa standing ng Asian team sa World Cup dahil ang bansa na may pinakamagandang record ay makakasali sa 2024 Paris Olympics. --FRJ, GMA Integrated News