Nag-viral sa social media ang isang driver ng kotse nang mahuli-cam ang ginawa niyang pananakit at binunutan pa ng baril ang isang siklista na nakasagi sa kaniya. Ang driver, sumuko na sa pulisya.
“Sa loob ng… 30 minutes ay nakuha natin ‘yung tao, napa-surrender natin. Sa ngayon ay iniimbestigahan natin, nandoon sa anti-carnapping unit dahil kailangan i-verify ang plate number,” sabi ni Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) chief Police Brigadier General Nicolas Torre III sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Linggo.
Una rito, pinayuhan ng QCPD ang naturang motorista na nakilalang si Wilfredo Gonzales, na sumuko sa pinakamalapit na police station matapos mag-viral sa social media ang video.
Ayon kay Torre, isinuko ng driver ang kaniyang baril at sasakyan.
“Sigurado tayo dito na ma-revoke natin ang kanyang LTOPF (License To Own and Possess Firearm). Bahala na ang ang HPG (Highway Patrol Group) kung i-reinstate ulit ang kanyang LTOPF,” anang opisyal.
Kung itutuloy ng siklista na magreklamo, posibleng sampahan si Gonzales ng light or grave threats at firearm possession, ayon kay Torres.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, sinabi ni Gonzales na nagkaayos na sila ng siklista.
Ayon sa kaniya, nangyari ang insidente noong August 8, at nagkaroon na umano sila ng kasunduan.
Sinabi pa nito na siya pa ang nagpatawag noon ng pulis. --FRJ, GMA Integrated News