Nasawi ang isang babae na posibleng tumatawid matapos siyang mabundol ng isang kotse sa North Luzon Expressway (NLEX).

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa southbound lane ng NLEX-Marilao pasado 5 a.m.

Base sa paunang impormasyong nakalap ng Marilao Police, walang malinaw na sasakyan na pinagmulan ang hindi pa nakikilalang babae.

Tinitingnan nilang anggulo na posibleng tumatawid ang biktima.

Isinaad ng mga rumespondeng pulis na may hawak pang supot ng pandesal ang babae.

Dahil sa aksidente, naging mabigat ang daloy ng trapiko sa isang bahagi ng southbound lane ng NLEX mula sa Marilao, Bulacan at ang tail end ay sa Philippine Arena. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News