Nahaharap sa mga kaso ang isang 17-anyos na binatilyo dahil bukod sa menor de edad at walang suot na helmet, nabistong nakaw din ang dala niyang motorsiklo nang sitahin sa checkpoint sa North Fairview, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Elizabeth Jasmin, commander ng Fairview Police Station, na hindi tugma ang mga ipinakitang dokumento ng binatilyo sa kaniyang ID kaya inimbitahan siya sa estasyon ng pulis.
Sa kanilang beripikasyon, natuklasan na nakaw ang motorsiklo ng binatilyo at tumugma sa motorsiklong nai-report na na-carnap noong Biyernes.
Dito na dinakip ang binatilyo.
Nang makaharap ng may-ari ng motorsiklo ang suspek, agad niya itong nakilala dahil bumili pa ito sa kanilang sari-sari store.
Sa kuha ng CCTV, nakita ang menor de edad sa harapan ng sari-sari store.
Sa isa pang kuha, nakitang iniaatras na niya ang motorsiklo.
Umamin ang may-ari na nakalimutan ng kaniyang anak na alisin ang susi sa motorsiklo nang iparada ito.
Hindi na nakuhanan ng GMA Integrated News ng panig ang menor de edad dahil nai-turn over na ito sa Social Services Development Department.
Ayon pa kay Jasmin, nangarap ang binatilyo na magkaroon ng sarili niyang motorsiklo para makapag-deliver dahil nagtatrabaho siya sa isang bigasan bilang isang kargador.
Na-inquest na ang suspek para sa reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Law.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News