Bumaligtad ang isang SUV sa Timog Avenue sa Quezon City matapos makabanggaan ang isa pang sasakyan. Ang parehong driver, iginiit na mabagal ang takbo nila.
Ayon sa ulat ni Nico Waje sa "24 Oras Weekend," bumaligtad ang minamanehong SUV ni Alfredo Nabungray mag-aalas dos ng madaling araw ng Linggo matapos makabanggaan ang isang MPV.
Parehong sinasabi ni Nabungray at ng nakabanggaan niya na hindi sila lasing,
at kapwa hindi raw mabilis ang kanilang takbo.
"[B]inangga ako, tapos ang bilis niya, kasi hindi naman ako mabilis magpatakbo," ani Nabungray. "E pagkapasok niyang ganon tumama ako kaya bumalentong 'yan."
Giit naman ng driver ng kotseng nakabangga sa SUV, "Hindi po mabilis ang pagtakbo namin...malayo rin kami doon sa kanya, kasi nasa box na rin po ako, kaya dapat ako yung nakita niya, kaya dapat siya yung nag-slow down sa side niya."
Patuloy ang imbestigasyon sa aksidente. — BM, GMA Integrated News