Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki sa Quezon City matapos mangikil umano kapalit ng 'di pagpapakalat ng maseselang video at larawan ng kanyang mga biktima.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa "20 Oras Weekend," dinakip ng National Bureau of Investigation Anti-Organized and Transnational Crime Division ang suspek na si Lester Jhon Ponce sa Cubao.

Sumbong ng isang menor de edad na babae sa NBI, kinaibigan daw siya ng suspek hanggang sa nakumbinsi siyang  makipagtalik.

Patago pala siyang kinukunan ng video na kalauna'y ginamit pang blackmail.

"Paulit-ulit na tinatakot ng subject ang victim na ikakalat nito ang mga maseselang video at larawan kung hindi ito makikipagtalik sa kanya. Hiningian din niya ito ng halagang P37,000," ani NBI spokesperson Gisele Garcia-Dumlao.

Pinagbigyan daw ng biktima ang kanyang mga demand, pero ipinadala pa rin daw ng suspek ang maseselang video at litrato nila ng biktima sa social media ng kanyang pamilya, kaibigan at mga kasama sa eskwelahan.

Para raw burahin ang mga ito, nag-demand raw muli ng pera at pagtatalik ang suspek, na nauwi na sa entrapment operation.

Natuklasan rin ng NBI na may iba pang nagrereklamo laban sa suspek: mga biktimang mga edad siyam, 12 at 17.

"Sinampahan natin siya ng paglabag sa child abuse law [at] Anti-Photo and Video Voyeurism Act. Kinasuhan din natin siya ng simple seduction, grave coercion, at robbery extortion," dagdag ni Garcia-Dumlao.

Eeksaminin daw ng NBI ang cellphone ng inaresto para ma-trace ang iba pang nabiktima ng suspek. — BM, GMA Integrated News