Inaprubahan ng lokal na pamahalaan ng General Santos City ang isang resolusyon na nagdedeklara sa drag queen na si Pura Luka Vega na "persona non grata," o hindi siya welcome na magpunta sa lungsod.
Sa ulat ni Abbey Caballero sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Huwebes, mariing kinondena ng lokal na pamahalaan ang drag queen na ginawan ng mabilis na remixed version ang "Ama Namin" habang naka-costume na tila santo.
Sa ipinasang resolusyon ng Konseho ng GenSan, sinabing hindi nila kukunsintihan ang naturang gawain.
“This video clearly offended the sensibilities of the Christian community. Demeaning the faith of millions of Filipinos and disrespecting the sacred element of the Catholic Church," ayon kay Councilor Vandyke Congson.
"May this be a reminder or warning to all [in] generals that your government will not tolerate such activity in our beloved city of GenSan,” patuloy niya.
Nauna nang idinepensa ng drag queen ang ginawa niya at sinabing mayroong freedom of thought, conscience, and religion ang bawat isa.
Samantala, inihayag ng Catholic Church sa General Santos City na tama ang naging hakbang ng lokal na pamahalaan.
“It’s very sad. I’m so sad about that [sa ginawa ng drag queen]. We have to respect each other’s religion, whatever religion. It’s too much of what he was doing," ani Father Leo Acierto. "The move [of city council] is right, he is really persona non grata.”
Kinondena rin ng ilang mambabatas si Pura Luka Vega, at itinuring pa ng iba na "blasphemous" ang kaniyang ginawa. -- FRJ, GMA Integrated News