Nagulat ang mga residente ng isang barangay sa Quezon City nang makita nila ang bangkay ng isang lalaki na inaanod sa creek.

Sa ulat ni James Agustin sa GTV News "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing nakita ng mga residente ng Barangay Balingasa ang inaanod na bangkay nitong Miyerkoles.

Iniulat ito sa mga opisyal ng barangay, na ilang beses tinangkang iahon ang bangkay.

Ngunit dahil inaanod ang katawan, humingi ng tulong ang mga taga-barangay sa Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office.

Sa bahagi na ng Barangay Masambong naiahon ang lalaki, na nakasuot ng grey na t-shirt at itim na shorts. May taas itong 5‘6" at tinatayang nasa 30 hanggang 35 ang edad.

Sinabi ng QCPD-CIDU, bukod sa mga gasgas na katawan, walang ibang sugat ang lalaki.

Patuloy na inaalam ang sanhi ng pagkamatay ng lalaki, na hindi rin tukoy ang pagkakakilanlan.

Wala rin umanong nakakakilala sa bangkay mula sa mga kalapit na barangay. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News