Patay ang isang buntis sa Tondo, Maynila matapos pagbabarilin nitong Miyerkoles ng madaling araw, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita.

Sinubukan pa raw itakbo sa ospital ang biktimang si Diane Erica Prado, 24 anyos, pero binawian na siya ng buhay dahil sa tama ng bala sa noo.

Nakuhanan pa ng CCTV na naglalakad si Prado pasado 1 a.m. o ilang minuto bago siya binaril. Nakita rin ang takbuhan ng mga tao pati ang pagdating ng ama ng biktima na si Joselito Prado Sr.

"Nalaman ko lang kasi may gumising sa akin, 'yung anak ko raw nakabulagta sa gitna kaya pinuntahan ko," ani Joselito.

Dagdag pa ng ama, buhay pa si Prado nang kanyang datnan.

Ayon sa kaanak, dalawang buwang buntis si Prado. Wala raw silang maisip na posibleng motibo sa krimen.

Nagawa raw tanungin ni Joselito sa anak kung sino ang salarin pero hindi na raw ito nakasagot.

Ayon sa isang kaibigan na kasama ng biktima, pauwi na sila matapos kumain sa labas nang maganap ang pamamaril. Aniya, isang lalaking naka-helmet ang bumaril kay Prado. Hindi raw niya nakita ang mukha nito.

"Sana mabigyan ng hustisya 'yung nangyari sa kaibigan ko," anang kaibigan ni Prado.

Nananawagan naman si Joselito sa suspek na sumuko na.

Ayon sa pulisya, may apat na person of interest sa pamamaril na kasalukuyan pa nilang tinutugis.

Samantala, matapos ang ilang oras, isa pang insidente ng pamamaril ang naganap sa Tondo kung saan napatay ang isang lalaking kinilalang si Juanito Palisoc alias Junior.

Ayon sa isang saksi, pauwi na si Palisoc galing tindahan nang sundan ng dalawang lalaki. Dito na raw sila nakarinig ng sunod-sunod na putok ng baril. Dead on the spot si Palisoc.

Inaalam na ng pulisya kung konektado ang dalawang insidente ng pamamaril. —KBK, GMA Integrated News