Kinubra na ng 40-anyos na lalaki na mula sa Nueva Ecija ang napanalunan niyang mahigit P366 milyong jackpot prize sa Ultra Lotto 6/58 na tinamaan niya noong June 30, 2023 draw.

Sa Facebook post ng Philippine Charity Sweepstakes Office, sinabing hindi pa rin makapaniwala ang lalaki sa malaking suwerte na dumating sa kaniyang buhay.

“Hindi ko pa alam sa ngayon kung paano ko iha-handle ang ganito kalaking pera. Pero siyempre, unang una, tutulong tayo sa kapwa, magbabahagi tayo dahil alam ko may plano si Lord bakit tayo biniyayaan ng ganito," pahayag umano ng winner.

Limang kombinasyon umano ng mga numero ang tinayaan ng lalaki na nagkakahalaga ng P100.

Sa limang kombinasyon, apat sa mga ito ang pinili umano ng lalaki, habang ipinaubaya niya sa lucky pick system o makina, ang pagpili sa ikalimang kombinasyon.

Ang kombinasyon na pinili umano ng makina ang tumama at nakahula sa lumabas na mga numero na 43-58-37-47-27-17, at may kabuuang premyo na  P366,687,465.20.

"Huwag po tayong mawalan ng pag-asa. May mga pagkakataon po na nanghihinayang tayo kasi hindi tayo tumama, pero lagi po nating isipin na bawat taya po natin, nakakatulong po tayo sa kapwa.” ayon sa mapalad na nanalo.

Samantala, wala namang tumama sa mga lotto draw nitong Martes ng gabi, July 18, 2023.

Sa Ultra Lotto 6/58, ang lumabas na mga numero ay 12-16-44-47-30-02, at may premyong P49,500,000.00.

Sa Superlotto 6/49, ang lumabas naman ay 37-01-20-32-15-36, at may premyong P65,606,535.20.

Sa Lotto 6/42, ang winning combinations ay 04-14-18-36-27-07, at may jackpot prize na P14,002,606.40.

Kasabay nito, umabot na sa P4,547,181.56 ang jackpot sa 6D Lotto, matapos na wala ring tumama sa lumabas na mga numero na 8-2-5-1-0-0.-- FRJ, GMA Integrated News