Sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na alam niya ang ginawang pagbisita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese President Xi Jinping sa China.
Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Martes, inihayag ni Marcos na naniniwala siyang ibabahagi ni Duterte sa pamahalaan ang napag-usapan nila ni Xi.
Umaasa rin ang Punong Ehekutibo na kasama sa natalakay ng dalawa ang usapin sa West Philippine Sea, at ang pagiging agresibo ng China sa pinag-aagawang teritoryo.
"No. Nag-permiso? Hindi naman kasi... Alam ko naman na pupunta siya. At magkaibigan sila, magkakilala sila. So I hope that napag-usapan nila 'yung mga isyu na ngayon na mga nakikita natin, 'yung mga shadowing, yung mga kung anu-ano," ayon kay Marcos nang tanungin tungkol sa naturang biyahe ni Duterte sa China.
"All of these things that we are seeing now I hope napag-usapan nila para naman magkaroon tayo ng progress, kasi 'yun naman talaga ang habol natin eh patuloy ang pag-uusap," dagdag niya.
Sinabi ni Marcos na welcome sa kaniya ang anumang bagong linya ng komunikasyon sa Chinese government.
"If that is President PRRD then good. Hindi importante sa akin kung sino, kung ano, basta't may makausap sila baka makatulong eh," pahayag ng pangulo.
Umaasa si Marcos na ibabahagi ni Duterte sa pamahalaan ang napag-usapan sila ni Xi para malaman kung makakaapekto ito sa bansa.
"I am sure that he will have ah, hindi naman report, I am sure he will be able to tell us what happened during their conversation and see how that affects us," sabi ng pangulo.
Batay sa lumabas na mga ulat, sinabi ni Xi kay Duterte na ipagpapatuloy nilang mapabuti ang ugnayan ng kani-kanilang bansa.—FRJ, GMA Integrated News