Natupad ang pangarap ng isang 71-anyos na lola sa Taguig City na makapagtapos siya ng elementarya.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing natanggap ni Lola Ellen Rivera ang kaniyang diploma sa Maharlika Integrated School.
Sa kabila nito, plano pa rin niyang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa high school.
Ayon kay Lola Ellen, hindi naging madali ang kaniyang naging kabataan na naging biktima siya ng pag-aabuso kaya siya naglayas.
Dahil dito, kinailangan niyang buhayin ang kaniyang sarili sa kalye noon kaya natigil siya sa pag-aaral.
Kung anu-anong hanapbuhay umano ang kaniyang pinasok gaya ng pagtitinda at pagiging barker.
“Gusto ko tapusin ko po pag-aaral ko,” saad ni Lola Ellen na Filipino, Math, at English ang paboritong subject.
Gayunman, aminado si Lola Ellen na nakaranas din siya ng pambu-bully pero hindi niya ito hahayaan na makahadlang sa kaniyang mga pangarap.
“Gusto ko pong magtayo ng bahay, [magkaroon] kotse, bike,” saad niya. “Kaya ko pa po lalakas pa ako ni papa God.”
Ayon kay Maharlika Integrated School’s principal Aurora Perez, masipag mag-aral si Lola Ellen.
“Masipag po talaga siya at gustong-gustong matuto. Nagsikap naman po siya kahit hirap na hirap siya,” sabi ni Perez.
Sa darating na Agosto, Grade 7 na si Lola Ellen.
“Kahit matanda na mag-aral pa rin 'wag hihiya. Ako bakit hindi ako nahiya? Aral ka muna, tapusin muna,” payo niya sa ibang katulad niyang senior citizens at mga estudyante.—FRJ, GMA Integrated News