Arestado ang tatlong babae na may-ari ng isang sari-sari store sa Taguig City na prente umano ng bentahan ng shabu.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, tumambad ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na may street value na P680,000 nang pasukin ng mga tauhan ng Southern Police District-Drug Enforcement Unit (SPD-DEU) ang tindahan sa Barangay Central Signal, Taguig City.
.
Dalawang taon na umanong ginagamit ng mga suspek ang kanilang sari-sari store bilang prente sa pagbebenta ng ilegal na droga.
“Nagbebenta sila ng mga iba’t ibang items kagaya ng softdrinks, ng ice candy. Magtataka ka mag-aabot ‘yung parokyano ng P1,000 pero ang binili niya lang isang bote ng softdrinks. ‘Yun pala may kasama na ‘tong ilegal na droga sa ilalim,” ayon kay Police Brigadier General Kirby John Kraft, SPD District Director.
Inaalam na ng SPD kung saan galing ang droga ng mga suspek at kung may iba pang grupong pareho ang ginagawang modus operandi.
“Mapanganib po ito kasi nagagamit na nila ‘yung isang lehitimong tindahan sa pagbebenta ng ilegal na droga,” ani Kraft.
Sinisikap pang makuha ang panig ng mga inaresto na na-inquest na sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act, ayon sa ulat. -- Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News