Isang mangangalakal ang pinagbabaril sa Tondo, Maynila nitong Huwebes dahil umano sa away sa basura, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes.

Sinubukan pang itakbo sa ospital ang biktimang si Rogel Ilagan pero binawian din ito ng buhay kinalaunan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, kilala ng biktima ang umano'y bumaril sa kaniya na si Jommel Mallari. May kasabwat daw itong isang Michael Morales.

Dati na raw na may alitan ang biktima at si Mallari dahil sa ruta ng pangangalakal, ayon sa kapatid ng biktimang si Helen Cruz.

Pinaghahanap na ng otoridad ang dalawang suspek. —KBK, GMA Integrated News