Sinibak ang lahat ng pulis sa Manila District Police Office Intelligence Operations Unit (DPIOU) matapos pagnakawan at kikilan umano ng lima nilang kasamahan ang isang may-ari ng computer shop sa Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ng GMA News Feed, makikita sa CCTV ng Barangay 525 ang pagdating ng isang kotse noong gabi nang mangyari ang insidente.
Sinundan ito ng limang lalaki na sakay ng apat na motorsiklo, na pumasok sa iba’t ibang kalye sa lugar.
Matapos nito, pinuntirya na nila ang computer shop ng biktimang si Herminigildo dela Cruz.
Nagulat na lamang si dela Cruz nang magpakilala sa kaniya bilang mga pulis ang limang lalaki at nagsabing kailangan nilang i-raid ang shop.
“Dire-diretso na lang diyan sa loob. Tapos sabi nila, ‘nag-o-operate ka pala ng computer, nagpapasugal ka pala.’ Sabi ko ‘Ang ano lang namin dito, nagre-rent sila ng computer. Hindi naman kami nagpapasugal,’” sabi ni dela Cruz.
Nakasibilyan ang mga naturang pulis at walang ipinakitang warrant.
Ayon pa sa kanila, kailangang magbayad ni dela Cruz kung ayaw niyang dakipin siya ng mga pulis.
Kinuha ng mga pulis ang nasa P44,000 halaga ng pera. Ngunit hindi pa sila nakuntento at humingi pa ng lingguhang protection money.
“Magbibigay daw ako ng kuwan para hindi na nila ako guguluhin, P4,000 a week, every Friday,” sabi ni dela Cruz.
Nagsuplong sa Camp Crame ang biktima at napag-alamang tauhan ng Manila Police District Police Office Intelligence Operations Unit ang mga pulis.
Iligal ang kanilang ginawa at walang basbas ng MPD. Bukod dito, may kasabwat pa silang babaeng asset.
Nagtatago na ang mga suspek at patuloy na tinutugis.
Dahil sa kanilang robbery-extortion, sinibak ang buong DPIOU na may 50 mga tauhang pulis. — VBL, GMA Integrated News