Aabot sa mahigit P1.2 milyong halaga ng umano'y shabu ang narekober sa isang motel sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes.
Natagpuan ang plastic na naglalaman ng umano'y shabu sa pagitan ng bed frame at foam ng isang kuwarto ng motel sa Barangay South Triangle. Nang timbangin, umabot ito sa 180 gramo.
Batay sa imbestigasyon, naglilinis ang room attendant ng motel nang madiskubre ang drogang nakaipit sa kama. Agad na tumawag ang management ng hotel sa pulisya.
"Immediately, nag-react ang mga pulis natin, pumunta ang mga imbestigador at narekober natin ang droga na iyan," sabi ni Police Brigadier General Nicolas Torre III, hepe ng Quezon City Police District (QCPD).
Inaalam pa raw ng QCPD kung sino ang posibleng nag-iwan ng droga. Dalawang persons of interest ang tinitignan nila na nag-check-in sa kuwarto.
"We will study this thoroughly para malaman natin kung sino ang possible na nakapag-iwan nitong droga na ito," ani Torre.
Dagdag pa ni Torre, maaaring bahagi ng modus ang pag-iwan ng droga sa kuwarto ng motel para kunin ng susunod na magchi-check-in dito. —KBK, GMA Integrated News