Inaresto ng mga awtoridad ang isang babae matapos umanong tangayin ang isang bagong silang na sanggol ng kaniyang empleyado sa isang ospital sa Pampanga.
Sa ulat ni CJ Torida ng One North Central Luzon sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang babaeng inaresto na si Vanessa Agustin, ng Angeles City, Pampanga.
Ayon sa pulisya, nagawang mailabas ni Agustin ang sanggol matapos umanong magpakilalang tagapangalaga ng bata.
Kuwento sa pulisya ng ina ng sanggol na itinago sa pangalang “Rona,” lumuwas siya mula sa Puerto Princesa, Palawan dahil sa pangako ang suspek na bibigyan siya ng trabaho at tutulungan sa panganganak.
Nagkakilala umano ang dalawa sa social media nang mag-post si Rona tungkol sa kaniyang kalagayan.
"Nag-offer itong si suspek na aalagaan niya muna ‘yung bata. ‘Yung nakalabas na sa ospital yung ano, kinu-contact niya that’s the time na hindi niya na ma-contact ‘yung suspek,” sabi ni Angeles City Police Station 2 Acting Commander Police Major Merben Laborera.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi umano ng suspek na naisipan niyang samantalahin ang panganganak ng kaniyang empleyado dahil mayroon siyang cyst at hindi niya kayang magkaanak.
Natunton ng kapulisan at ng Angeles City Social Welfare and Development Offices ang suspek at sanggol sa tulong ang CCTV footage at mga pinirmahan nitong dokumento sa ospital.
Naibalik na ang bata sa kaniyang ina.-- Jiselle Anne Casucian/FRJ, GMA Integrated News