Nagkatotoo ang pangako ng isang tumataya sa lotto na dati nang nananalo ng second prize na babalik siya para kumbrahin naman ang jackpot prize.

Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office nitong Miyerkules, sinabing kinumbra na dalawang mananaya ang napanalunan nila sa Superlotto 6/49 draw noong June 11, 2023.

View Lotto Results

Naghati ang dalawang mananaya--isa ay mula sa Makati at isa ay mula sa Caloocan-- sa jackpot prize na P15,840,000.00, matapos nilang mahulaan ang winning combinations na 18-29-21-48-10-08.

Ayon sa nanalong lalaki na mula sa Makati City, dati na siyang tumataya sa lotto ay ilang beses nang tumama ng second prize sa iba't ibang lotto games.

“Lagi ko sinasabi sa mga treasurer ng PCSO na babalik ako one day, yung jackpot naman ang aking babalikan. Nagkatotoo nga,” pahayag umano ng lucky bettor.

Ikinuwento naman ng ginang na mula sa Caloocan na nagmadali silang tumaya sa lotto at kahit anong numero na lang ang pinili nila dahil magsasara na ang lotto outlet.

“Sabi ko sa asawa ko na kahit anung numero na lang basta ihabol mo. Tapos tumama pa pala kami ng jackpot,” pagbahagi ng ginang na planong bumili ng bahay at magtayo ng negosyo mula sa kanilang napanalunan. --FRJ, GMA Integrated News