Patay ang isang tuta matapos umanong ihagis ng isang security guard mula sa footbridge sa Quezon City, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.
Batay sa Animal Kingdom Foundation, sinita ng security guard ang isang grupo ng mga bata dahil ayaw daw umalis sa lugar. Bilang panakot, kinuha raw ng guwardiya ang tuta at inihagis.
Dinala ng mga bata ang tuta sa beterinaryo pero idineklara itong dead on arrival.
Kinondena ng Animal Kingdom Foundation ang karahasan. Bukod daw sa animal cruelty ay maituturing ding child abuse ang ginawa ng guwardiya.
Wala pang pahayag ang guwardiya, pero ayon sa agency na may hawak sa kaniya, ikinalulungkot nila ang nangyari and iniimbestigahan na nila ito.
"We sincerely regret the incident that happened at a mall in Quezon City today involving a group of children and their pet. We are thoroughly investigating this incident together with public authorities and other parties involved," anang agency na RJC Corporate Security Services Inc. —KBK, GMA Integrated News