Timbog ang isang lalaking kabilang sa most wanted sa Tondo, Maynila, dahil sa pagpatay at pagnanakaw sa ilang tindahan at convenience store, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes.

Depensa ng suspek na si Jomarie Salonga, pinilit lamang siya ng kasama na gawin ang mga krimen.

Dinakip si Salonga sa Elcano Street, Barangay 1 sa bisa ng arrest warrant. Ayon sa pulisya, number 1 sa most wanted list ng Moriones Police Station si Salonga.

Noong Oktubre 2021, nilooban nina Salonga at isa pang kasamahan ang isang mini-grocery store sa Malate, Maynila, kung saan napatay nila ang may-ari ng tindahan at tinangay ang perang nagkakahalaga ng P100,000.

Makalipas ang isang buwan, isang convenience store naman ang nilooban ng mga suspek sa Gilmore Avenue, Quezon City.

Umamin si Salonga na sangkot siya sa mga krimen, ngunit dumepensang pinilit lamang siya ng kasamahan na maging lookout.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News