Dalawa katao ang arestado sa Tondo, Maynila dahil umano sa paggawa at pagbebenta ng mga pekeng Persons With Disability (PWD) ID, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes.
Kinilala ang dalawang suspek na sina Ralph Lawrence Noblada at Liezel Lopez. Naaresto sila sa pamamagitan ng isang entrapment operation ng Manila Police District Special Mayor Reaction Team (MPD SMART).
Nasabat sa loob ng bahay ni Lopez ang computer at printer na ginagamit daw sa paggawa ng mga pekeng PWD ID. Nakita rin sa computer ang template ng mga ID na ibinebenta nila.
Nagkakahalaga raw ang bawat pekeng PWD ID ng P1,500 at kahit sino ay puwedeng kumuha nito. Online daw ang bentahan nito.
"Kung titignan niyo yung fake ID at iyon [totoo], almost the same. Hindi mo siya mapagkakamalang hindi totoo," ani Police Major Dave Garcia, hepe ng MPD SMART.
Nakakatanggap ng discount sa pagkain, gamot at serbisyo ang sinumang may PWD ID.
Hindi nagbigay ng pahayag ang dalawang suspek. —KBK, GMA Integrated News