Duguan at may nakatarak pang patalim sa leeg nang matagpuan ang bangkay ng isang 21-anyos na babae sa loob ng inuupahan niyang kuwarto sa Pasig City. Ang suspek, natunton sa Leyte at iginiit na hindi niya sinasadyang gawin ang krimen.

Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa “24 Oras” nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Shakira Bautista, na nagtatrabaho bilang personal assistant sa isang negosyante.

Kuwento ng pamilya, sinisikap umano ng biktima na maging independent kaya kumuha ito ng paupahang kuwarto sa isang boarding house sa Barangay Pinagbuhatan.

“Napakasakit para sa akin ‘yung nangyari sa anak ko. Kausap ko ‘yung nag-autopsy more or less, 49 na saksak ‘yung ano.. tinama ng anak ko,” ayon sa ama ng biktima na si Florencio Vinculado.

Sa pag-iimbestiga ng pulisya, may nakitang bahid ng dugo sa katabing kuwarto ng biktima kaya hinahanap nila ang nangungupahan doon, na kinalaunan ay nakilalang si Abundio Lagado, 31-anyos, boarder din.

Napag-alaman na nagtungo sa Leyte si Lagado matapos gawin ang krimen.

Noong June 13, sumuko siya sa pulisya matapos umanong makonsensiya.
Inamin niya ang ginawang krimen pero itinanggi niya na plano niyang pagnakawan o gahasain ang biktima.

Ayon sa suspek, kagigising lang daw niya noon nang aksidente niyang mabuksan ang pintuan ng common CR ng boarding house kung nasaan ang biktima.

“Sumigaw siya, magnanakaw tsaka gagahasain ko daw siya. Kumuha siya ng kutsilyo po. Inano niya po ako dito [sa kamay]. Tapos nagdilim po yung paningin ko nag-away po kami. Natumba nga pong kaming dalawa doon sa salamin. Nagdilim yung paningin ko itong nangyari nasaksak ko po,” ani Lagado.

Ayon kay Lagado, hindi niya sinasadya ang nangyari at humingi siya ng patawad sa kaniyang ginawa. 

“Wala po akong intesyong rape-in o pagnakawan yung, ang biktima. Nag-away lang kami. Nagdilim ang paningin ko,” paliwanag niya, bagay na hindi pinapaniwalaan ng pamilya ng biktima.

Ayon sa Pasig Police, walang nawawalang gamit ang biktima pero hinihintay pa ang official report ng medico legal para malaman kung pinagsamantalahan si Shakira.

Sinampahan na ng reklamong murder si Lagado.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News