Ilang nangutang sa online lending app na naatraso sa pagbabayad ang pinadalhan umano ng bulaklak ng patay at ataul para takutin.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng isang biktima na naiyak na lang siya nang makita ang bulaklak ng patay na ipinadala sa kaniya .

Ayon sa ulat, tatlong araw pa lang naatraso sa pagbabayad ang isang biktima.

"Hindi ko na alam ang gagawin ko sobrang pinahiya ako sa amin. Hindi ko alam na ganyan ang mangyayari sa buhay ko," ayon sa isang pinadalhan.

Ayon sa biktima, sinabing P5,000 ang inutang niya pero P2,400 na lang ang natanggap dahil sa mga ginawang kaltas.

Inalok daw siya ng one-week extension nang sumapit ang due date niya sa pagbabayad pero kailangan niyang magbayad ng P2,000 fee.

Dahil dito, tumanggi ang biktima.

Isang umutang din ang pinadalhan naman ng ataul dahil naatrasado rin sa pagbabayad.

Hinikayat ng PNP Anti-Cybercrime Group ang mga biktima ng naturang uri ng panggigipit na lumapit sa kanila para maikasa ang kaso.

"Nagke-case build up tayo tapos nagpa-file tayo sa court ng warrant. Kapag na-issue ni court ang warrant... Gumagawa tayo ng raid," ayon kay PNP-ACG spokesperson Police Lt. Michelle Sabino. —FRJ, GMA Integrated News