Arestado ang isang transgender matapos niyang pagnakawan ang isang Amerikano na nakatulog habang kaniyang minamasahe sa isang hotel sa Makati City. Ang suspek, pinatawad at hindi na sinampahan ng reklamo ng dayuhan.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood sa CCTV ng isang hotel sa nasabing lungsod ang pagbaba ng transgender na suspek mula sa pinanggalingan niyang 27th floor.
Sa isa pang kuha ng CCTV ng hotel, makikitang lumabas na ang suspek mula sa lobby, na nagsisilbi na pala niyang pagtakas mula sa Amerikanong kaniyang pinagnakawan.
“Sumama po itong suspek natin na transgender sa foreigner sa isang hotel para magmasahe sa kaniya. Pinatulog itong foreigner, so tinake advantage naman nitong transgender na suspek natin, kinuha ‘yung cellphone niya na iPhone 12 at saka mga gamit,” ayon kay Police Colonel Edward Cutiyog, hepe ng Makati City Police.
Sa isinagawang follow-up operation ng Makati City Police, natunton ang pinagtataguan ng suspek sa Antipolo City, kung saan nabawi ang cellphone at wallet na ninakaw sa biktimang dayuhan na may lamang ATM at credit cards.
Ngunit pagkasauli ng lahat ng mga ninakaw sa kaniyang gamit, pinatawad ng dayuhan ang suspek at nagpasiyang hindi na magsasampa ng kaso. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News