Arestado ang isang Cameroonian sa Maynila matapos mabisto ang kaniyang modus na panghihingi ng pera sa pangakong pararamihin niya ito gamit ang mga ipinapahid na kemikal.
Sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, mapapanood sa video ng National Bureau of Investigation ang pagpasok ng dayuhang target sa isang hotel, kasama ang undercover.
Pagkabigay ng senyas, agad dinakip ang isang Cameroonian.
Nabawi sa kaniya ang P3 milyong marked money at mga paraphernalia na may kasamang puting pulbos at likido na nasa boteng ginagamit umano sa tinatawag na “black dollar peso” scam.
Isinasagawa umano ng suspek ang operasyon sa Cagayan Valley, ngunit sa isang hotel sa Maynila siya nakipagkita.
Ayon sa NBI Lal-Lo, Cagayan, humingi ng P3 milyon ang suspek para gawin niya itong P9 milyon.
“Dinemo (demo) sa kaniya (asset) kung paano paramihin ‘yung P1,000 bill. Ginagamitan ito ng certain chemicals kung saan pinapahid doon sa cut-out ng shape ng P1,000 bill,” sabi ni Kelvin Caoili, ex-o ng NBI Lal-Lo, Cagayan.
Posibleng marami nang nabiktima sa kaniyang scam ang dayuhan dahil 12 taon na umano siya sa bansa.
Sinabi ni Atty. Giselle Garcia-Dumlao, spokesperson ng NBI, na tinatarget ng dayuhang suspek ang mga Pinoy sa probinsya na hindi pa alam ang modus, pati na rin ang mga OFW.
Nangangako umano ang suspek na madodoble o matitriple ang kanilang pera.
Bineberipika na ng NBI ang isa pang kaso ng illegal possession of firearms ng dayuhan dahil sa pagdadala ng AK-47 sa sasakyan.
Nakabilanggo na sa NBI detention facility ang Cameroonian, na nahaharap sa estafa at paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o illegal possession and use of false treasury or bank notes and other instruments of credit.
Wala pang pahayag ang suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News