Dahil isang "national treasure," nais ng ilang mambabatas na muling itayo ang nasunog na Manila Central Post Office (MCPO). Pinabulaanan naman ng lokal na pamahalaan ng Maynila na tatayuan ng ibang proyekto ang nasunog na gusali.
Sa video message, sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuña, na “heritage zone” ang lugar at idineklarang important cultural property noong 2018 ang kauna-unahang postal office.
Dahil dito, sinabi ng alkalde na walang ibang proyekto na maaaring itayo sa lugar, maliban sa MCPO.
“Kaya nga po ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay makikipagtulungan sa ating national government na maibalik, ma-restore ang dating imprastraktura kung saan nakatayo ang Manila Central Post Office,” ani Lacuña.
Una rito, sinabi ng Bureau of Fire Protection na aabot sa P300 milyon ang pinsala sa sunog.
Nagsimula ang sunog dakong 11:41 p.m. nitong Linggo at nakontrol ang sunog dakong 7:22 a.m. ngayong Lunes.
Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na handang tumulong ang Senado para maibalik ang makasaysayang post office ng Maynila.
"Nakakalungkot talaga ang pangyayari nato kung saan nasunog ang National Post Office natin na kinokonsidera na isa sa mga National treasures at important Heritage sites ng ating lipunan. Sana ma restore po natin ito para maging Museum at part ng National Museum Complex. Tutulong po ang Senado na gawin ito,” ayon sa lider ng Senado sa Facebook post.
Sinuportahan naman ni Sen. Sonny Angara, chairman ng Senate Finance Committee, ang pahayag ni Zubiri.
Makikipag-ugnayan umano sila sa budget department para makahanap ng pondo upang maibalik sa dati nitong hitsura ang nasunog na gusali.
"Agree it’s a national treasure - designed by national artist Juan Arellano," anang senador.
Si House Deputy Speaker Ralph Recto, sinabing maaaring kumuha ng pondo mula sa P13 billion Contingent Fund, o sa pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Centre na umaabot pa sa P19.03 bilyon.
"Nandiyan din ang NDRRMC or Calamity Fund, which has a beginning of 2023 available balance of P19.03 billion. The fire which hit this national historical landmark is undoubtedly a certifiable disaster," pahayag ng mambabatas sa FB post.
"Under RA 10066, or the National Cultural Heritage Act of 2009, 'national historical landmarks, sites or monuments' shall be entitled to 'priority government funding for protection, conservation and restoration,'” dagdag niya. --FRJ, GMA Integrated News