Patay ang isang sanggol na tatlong-buwang-gulang matapos na buhusan umano ng kumukulong tubig ng kaniyang 18-anyos na tiyuhin. Ayon sa pulisya, umamin ang suspek na nakagamit siya ng ilegal na droga nang mangyari ang krimen.
Sa ulat ni John Cosulta sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing kaagad na nasawi ang bata na nagtamo ng matinding lapnos mula ulo hanggang paa.
Ayon sa Cainta Police, pumasok sa trabaho ng ina ng biktima kaya ipinagkatiwala ang anak sa suspek.
“Nagpakulo ng tubig. Ang intensyon niya raw [suspek]ay paliguan ng maligamgam ang bata. Unfortunately, nagdilim ang kanyang paningin, naibuhos niya sa bata ‘yung kumukulong tubig na ‘yun,” pahayag ni Cainta Police Chief Police Major Alfonso Saligumba.
Natuklasan umano ng mga kapitbahay ang karumal-dumal na krimen nang umalis ang suspek at hindi ibinilin ang sanggol.
“Nagtaka yung kapitbahay bakit yung bunso, yung infant ay hindi inentrust sa kanila. So sinilip nila yung residence ng victim, nakita nga nila na yung bata hindi na gumagalaw at hindi na humihinga,” ani Saligumba.
Matapos ang krimen, nakuhanan sa CCTV camera ang suspek na umalis at bitbit ang isang kapatid ng biktima. Nagpalipat-lipat siya sa iba’t-ibang lugar bago matunton sa bahay ng kanyang mga magulang sa San Jose del Monte, Bulacan.
“Base on the background, isa pong adik. Sabi niya sa akin, nakagamit siya ng time na 'yon,” ani Saligumba.
Sasampahan ng reklamong murder ang suspek na nakadetine sa Cainta Police. Hindi na siya nagbigay ng pahayag. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News