Isang rider ang patay matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Novaliches, Quezon City nitong Martes ng madaling araw.

Ang mga suspek, ninakaw pa umano ang motorsiklo ng biktima, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita.

Mag-aalas-dos ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Quirino Avenue.

Binaril sa ulo ang biktima na napag-alamang 26-anyos, base sa kanyang ID na nakuha ng mga awtoridad.

Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa mga kaanak ng biktima.

Narekober ng mga pulis ang dalawang basyo ng bala sa crime scene.

Ayon sa source na nakausap ng GMA Integrated News, may tatlong suspek na nakasakay sa dalawang motor.

Tinangay rin daw ng mga ito ang motor ng biktima at pinalitan ng ibang motor.

Tinutugis na ng mga pulis ang mga suspek. Inaalam din ng mga pulis kung nahagip ng CCTV ang mga mukha ng mga salarin.

Inaalam pa ng Quezon City Police District ang posibleng motibo ng mga suspek sa krimen.

Samantala, dinala na sa Criminal Investigation and Detection Unit ang naiwang motor. —KG, GMA Integrated News