Kumamada ng ilang crucial play si Justin Brownlee para igiya ang Gilas Pilipinas sa panalo laban sa defending champions Indonesia, 84-76, sa basketball semifinals ng 32nd Southeast Asian Games na ginaganap sa Cambodia.

Tatlong minuto bago matapos ang final period, nagpakawala ng back-to-back triple si Brownlee para imarka ang 76-74 lead para sa team Pilipinas.

Nasundan pa ito ng tirada ni Brownlee at Brandon Ganuelas-Rosser upang paangatin sa anim na puntos ang kalamangan ng Pinoy team kontra sa Indonesia, dalawang minuto na lang ang nalalabi sa final buzzer.

Sinelyuhan ng mga free throw mula kina Chris Newsome at Brownlee ang tagumpay ng Gilas Pilipinas at tuluyang idiskaril ang Indonesia na maidepensa ang korona sa SEAG men's basketball.

Nakalikom si Brownlee ng kabuuang 34 points, kasama ang five triples, nine rebounds, at five assists. Labing-lima sa mga puntos niya ang ginawa sa fourth quarter.

Samantala, kumamada naman ng 13 points si Ganuelas-Rosser at 10 points kay Arvin Tolentino.

Makakaharap ng Gilas Pilipinas para sa gold medal ang team Cambodia, na tanging nagpalasap ng pagkatalo sa koponan ng Pinoy sa torneo sa iskor na 79-68 noong nakaraang linggo.

Matapos matalo sa Cambodia, winasak ang Gilas sa Singapore, 105-45, at pagkatapos ay pinayuko ang defending champ na Indonesia. -- FRJ, GMA Integrated News.