Labis ang sama ng loob ng isang ina sa kaniyang kumpareng delivery rider na itinuring umano niyang kamag-anak pero nagawa pang gahasain ang kaniyang 15-anyos na anak.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing inaresto ng mga awtoridad sa bisa ng arrest warrant sa Pasig ang suspek dahil sa nangyaring panghahalay umano nito sa dalagitang inaanak noong nakaraang Disyembre.
"Hindi ako makapaniwala sa ginawa nun. Para akong binagsakan ng langit at lupa. Itinuring ko silang kapatid, kamag-anak," ayon sa ina ng biktima.
"Itinuring siyang ama ng anak ko," dagdag pa niya.
Sinabi pa ng ginang na dagdag na insulto sa kanila ang ginagawang pagtawa umano ng suspek nang isampa nila ang kaso at wala pang arrest warrant na lumalabas.
Kuwento ng ginang, inilihim sa kaniya ng anak ang nangyari pero nagdududa na raw siya dahil tila may pagbabago sa ugali nito.
Nalaman niya ang nangyari sa anak nang ipatawag siya sa paaralan ng guro ng dalagita.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng suspek na nakadetine sa himpilan ng pulisya.—FRJ, GMA Integrated News