Sinalakay ng mga awtoridad ang isang bar sa Pasay City na nagbebenta ng mga lobong naglalaman ng nitrous oxide, na nagbibigay ng panandalian ngunit mapanganib na "high" na maaaring humantong sa pagkasawi sa sinumang sisinghot nito. Ang 16 Vietnamese na nag-o-operate umano ng bar, arestado.
Sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, mapapanood sa surveillance video ng National Bureau of Investigation Anti-Organized and Transnational Crime Division ang dalawang lalaking may hawak na mga lobo sa loob ng naturang bar.
Sinalakay ng mga taga-NBI at ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit ng Bureau of Immigration ang bar nitong madaling araw ng Sabado.
Nakita sa bar area ang ilang gamit na lobo, na ayon sa mga awtoridad ay naglalaman ng volatile o mapanganib na nitrous oxide.
Bago itong modus umano sa mga club at bar.
Kinumpiska ng NBI ang mga tangke ng nitrous oxide at mga lobo.
“Ang nitrous oxide ay dapat sa mga medical facility lang hindi sa ganitong club. Kapag nasobra ‘yung gamit mo nito, naaapektuhan ‘yung utak mo rito at may tendency pa na nakamamatay ito,” sabi ni Atty. Jerome Bomediano, chief ng NBI AOTCD.
Nahaharap sa kaso ang may-ari ng establishment, ang manager, at ang mga nagbenta. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News